Handa ng dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa 6.4 billion Peso shabu shipment sa Bureau of Customs sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manases Carpio.
Ito ang inihayag ng Malakanyang matapos kumpirmahin ni Senador Dick Gordon, Chairman ng kumite na iimbitahan niya sina Duterte at Carpio sa hearing sa Huwebes.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mismong ang bise-alkalde at bayaw nito ang nagsabing handa silang humarap sa Senado sa sandaling imbitahan.
Una ng pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga susunod na ipapatawag sa Senado na sumulat at sabihing hinsi sasagot sa mga magiging tanong ni Senador Trillanes at igiit ang karapatang manahimik.
Ito’y dahil gumagawa lamang anya ng “fishing expedition” ang Senador pero wala naman sapat na ebidensiya sa mga ibinibintang kina Pulong at Carpio.
Matatandang nagkainitan sina Gordon at Trillanes dahil sa paggigiit ni Trillanes na ipatawag sa Senado ang mag-bayaw matapos mabanggit ang kanilang pangalan sa Davao Group na binibigyan umano ng “tara” o padulas ng mga broker sa B.O.C. para sa mabilis na paglalabas ng mga kargamento.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
SMW: RPE