Pinag-aaralan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paghahain ng disqualification laban kay Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono.
Ito’y kasunod ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng kampo ni Disono at ng mga Pulis Abra nuong isang linggo matapos takasan ang inilatag na checkpoint sa bahagi ng Poblacion na ikinasawi ng body guard ng bise at ikinasugat ng dalawang Pulis.
Sa pulong balitaan na isinagawa sa Kampo Crame ngayong Huwebes, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año, malinaw aniya ang naging paglabag ni Disono dahil sa pagmamay-ari ng samu’t sari at matataas na uri ng armas gayundin ang paglabag nito sa COMELEC rules hinggil sa checkpoint.
Maliban kay Disono, sinabi rin ni Año na pananagutin din si Pilar Mayor Roland Somera kung mapatutunayan na may pangungunsinte sa kaniyang panig lalo pa’t tumatakbo sila bilang re-eleksyunista.
Kasunod nito, mahigpit na pinaalalahanan ni Año sa lahat ng kandidato na huwag gumamit ng guns, goons and gold para impluwensyahan, takutin at manipulahin ang mga botante ngayong nalalapit na ang Halalan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)