Binigyan na ng limang araw ni Santa Rosa, Nueva Ecija Mayor Josefino Angeles ang kanyang vice-mayor matapos mahuli ng pulisya sa isang buy-bust operation ang isang hinihinalang drug pusher na gumamit ng government vehicle ng munisipyo.
Nakapangalan kay Vice Mayor Marie Evangelista ang puting Nissan Navarra pickup na may conduction sticker ow 7007 na ginamit ng naarestong suspek na si Rey Gee Viñas, bente nwebe anyos at residente ng Barangay Soledad, noong Pebrero a–3.
Nasakote si Viñas ng pinagsanib na Philippine Drug Enforcement Agency, 303rd Mobile Company ng PNP at Santa Rosa Police Office sa pangunguna ng hepe nilang si Major Fortune Bernardo.
Nakipag-transaksyon ang suspek sa isang ‘poseur-buyer’ at nahulihan ng dalawang plastic sachet ng shabu, buy-bust money, cellphone at puting Nissan Navarra pickup.
Kamakailan lamang binili ng munisipyo ang naturang sasakyan at ibinigay kay Evangelista bilang ‘official vehicle’ nito.
Bagaman hindi empleyado ni Evangelista, napag-alamang driver si Viñas ng pamilya ng bise alkalde sa kanilang trucking business.
Bukod sa suspek, madalas din umanong makita ng mga residente ang Navarra na ginagamit ng ama ni Evangelista na si dating Barangay Sta. Teresita Chairman Rodolfo Evangelista.