Binulaga ng isang magandang balita ang fast food crew na si Lyka Jane Nagal habang naka-duty sa kaniyang trabaho na isa na siyang ganap na teacher matapos makapasa sa licensure exam.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Sa isang viral video na umani na ng 1.6 million views, mahigit 200 thousand likes, at lagpas isang libong comments, makikita ang mga service crew ng isang fast food chain na nagkukumpulan habang mayroong tinitignan sa isang cellphone.
Maya-maya ay bigla na lamang nagtatalon at nagsisigaw sa tuwa ang babae na kinilalang si Lyka at masayang sinabi na, “Ma, board passer na ako” na siya namang sinundan ng malakas na palakpakan ng kaniyang mga katrabaho.
Si Lyka ay kabilang sa listahan ng mga takers ng Licensure Examination for Professional Teachers o LET o LEPT na inilabas kamakailan ng Professional Regulation Commission o PRC na matagumpay na naipasa ang nasabing exam.
Sa pagpapatuloy ng video, hindi nagtagal ay makikita si Lyka na napaupo sa isang tabi at tuluyang naging emosyonal dahil sa achievement na kaniyang nadiskubre habang nasa kalagitnaan ng trabaho.
Matapos ang maiksing pagdiriwang ay mabilis ding bumalik sa trabaho si Lyka at ang kaniyang mga kasamahan. Agad din namang ipinaalam ng board passer sa kaniyang pamilya ang napakagandang balita na nagbunga na ang kani-kanilang mga pagsisikap at sakripisyo.
Ikaw, anong masasabi mo sa nakakaantig na kwento na ito?