Isang lolo ang hindi napigilang umiyak kahit na hindi pa nito nakikita ang regalo sa kaniya ng kaniyang apo noong Pasko.
Kung ano ang nasa loob ng regalo? Alamin!
Sa Marilao, Bulacan, isang nakakaantig na kwento ng pagbibigayan ang nasaksihan ng mga netizen online mula sa video na pinost ni Kris Angelica Guimbal kung saan makikita na inabutan nito ang kaniyang lolo na si tatay Vic ng isang paperbag na naglalaman ng kaniyang regalo para rito.
Maririnig na inasar pa ni Kris ang kaniyang 73 taong gulang na lolo na baka umiyak pa ito dahil sa natanggap na regalo, at hindi nagtagal ay maririnig na nga sa video ang paghikbi ng matanda.
Agad namang nilapitan ni Kris ang kaniyang tatay Vic at binigyan ito ng mainit na yakap habang binabati ng Merry Christmas.
Makikita rin sa video na kahit anong pilit ni Kris na labanan ang kaniyang emosyon ay hindi pa rin nito nagawang mapigilan ang maluha.
Sa isang pahayag, sinabi ni Kris na lumaki siya sa kaniyang lolo at lola, kaya naman ngayong mayroon na siyang sariling trabaho, gusto niyang maibigay sa kaniyang lolo ang mga pangangailangan nito.
Dagdag pa ni Kris, ang kanila raw lola ay pumanaw bago pa siya magkaroon ng sariling trabaho. May kani-kaniya na rin daw pamilya ang mga anak ni tatay Vic kung kaya naman ang mga apo na niya ang nag-spoil sa kaniya.
Ang dahilan naman kung bakit ganoon na lang ka-emosyonal si tatay Vic nang makita ang regalo ni Kris ay dahil pangarap pala nito na magkaroon ng polo shirt mula sa partikular na brand.
Ikinatuwa naman ng mga netizen na nakapanood ng video at mayroon pang mga nakiiyak kay tatay Vic, habang ang iba naman ay nagbahagi pa ng kani-kaniya nilang mga kwento at alaala kasama ang kanilang mga lolo at lola.