Pinaiimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang video na lumabas kung saan nakuhanan ang isang pulis na nagbantang babarilin ang mga lalabas sa hindi itinakdang oras sa isang Muslim town sa Quiapo, Maynila.
Makikita rin sa naturang video ang pamamalo ng naturang pulis sa isang residenteng nagpapakita ng kaniyang quarantine pass.
Kinilala ni MPD Spokesman Police Lt. Col. Carlo Manuel ang pulis na nasa video na si Police Lt. Col. Rey Magdaluyo na commander ng MPD Station 3.
Sinabi ni Manuel na kilala si Magdaluyo sa kaniyang mga police operation dahil sa lagi itong may dalang arnis.
Posible umanong napuno na si Magdaluyo sa katigasan ng ulo ng mga residente sa ipinatutupad na quarantine lalo’t may person under investigation na at person under monitoring na sa lugar.
Ngunit ayon kay MPD Chief Police Brig. Gen. Rolly Miranda, hindi dapat idinadaan sa init ng ulo ang pagpapatupad ng batas –dahil dito, kailangan umanong maimbestigahan ang naturang insidente.