Patuloy na bineberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang video umano ng training camp ng ISIS sa Mindanao.
Ayon kay AFP Spokesman, Colonel Restituto Padilla, isang seryosong usapin ng national security ang lumabas na video sa internet kaya’t masusi nilang kinukumpirma ang authenticity ng video.
Nakasaad sa video na nagmula umano sa website ng Site Intelligence Group ang titulong “soldiers of the caliphate” training in the Philippines.
May kopya na anya sila ng video at isinumite na ito sa Cyber Forensics Unit upang suriin.
Samantala, naniniwala naman si Padilla na layunin ng nag-post ng footage ay himuking sumali sa ISIS ang mga kabataan sa pamamagitan ng social media channels.
Palasyo
Samantala, pinabulaanan naman ng Palasyo na mayroong itinatag na training camps ang teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, base sa pahayag ni National Security Adviser Secretary Cesar Garcia ay walang batayan ang ulat hinggil sa training camps ng ISIS.
Ang ginagawa anya ng mga galamay ng ISIS ay nagpipilit na makakuha ng link sa mga local terrorist group at Jihadists.
Nilinaw ng NSC na hindi tunay na isis ang mga ito kundi nais lamang mapaugnay at makasabay sa grupo at iilan-ilan lamang ang mga ito.
Nagkakanlong ang mga nasabing grupo sa base ng mga local terrorist groups na kasama sa target ng military operations.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)