Ngayong graduation season, hindi lang ang mga estudyanteng matagumpay na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral ang cinecelbrate kundi pati na rin ang kanilang mga magulang na matyagang itinaguyod ang kanilang pag-aaral. Katulad na lang ng proud dad na ito na pinuri ng mga netizen dahil sa sipag at tyaga nito sa kabila ng kaniyang kondisyon.
Ang buong kwento, eto.
Kabilang sa mga kumakalat na graduation videos ngayon sa social media ay ang nag-viral na video ng isang tatay na may polio simula pa noong kaniyang pagkabata na um-attend sa graduation ng kaniyang mga anak.
Sa video, makikita ang tatay na si Jonatahan Bueno na inaalalayan ng isang school staff habang umaakyat ito sa stage kung nasaan ang kaniyang anak na si Janella na nagtapos ng grade 10.
Kinaantigan ng mga netizen ang maigsing tagpo ng mag-ama kung saan yumuko si Janella para masuotan siya ng kaniyang tatay ng medal.
Marami naman ang pumuri kay Janella dahil sa magandang asal nito sa kaniyang tatay. Dahil bukod daw sa proud dad na si Jonathan, nakikita ng mga netizen na proud din si Janella sa kaniyang tatay.
Pero bukod sa bagong graduate, cinongratulate rin ng mga netizen si Jonathan dahil sa kabila ng sitwasyon nito ay napagtapos niya ang kaniyang mga anak sa pag-aaral at mayroon pang magandang pag-uugali.
Samantala, double celebration pala ang ginanap na graduation sa pamilya Bueno dahil magkasabay na nagtapos si Janella at ang kaniyang kapatid na si John Mark na tutuntong na ng kolehiyo.
Ikaw, isa ka rin ba sa mga grumaduate ngayong taon? Kung ganon, ano ang kwentong graduation mo?