Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi sa Pilipinas nagmula ang viral video ng dalawang lalaking walang habas na nagpapaputok ng baril noong pagsalubong sa Bagong Taon.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor na base sa kanilang Anti-Cybercrime Unit na bagaman nagsasalita ng Ilocano ang mga lalaki sa nasabing video, sa ibang bansa naman ito kinunan kaya’t walang hurisdiksyon ang pambansang Pulisya.
Ang video aniya ay ini-upload ng isang Eduardo Quinit kung saan kasama niya rito ang kanyang anak na si Christian Quinit.
“Ang videos na ito ay ni-refer natin sa anti-cybercrime group at meron nga una silang na-examine, at through their exploitation meron silang nakita na isa doon sa facebook account na na-upload noong January 1 itong taon na ito na account ni Eduardo Quinit, at na-deactivate na ito actually, ay ang mga nagpapaputok na ito ay nasa Guam, base sa pag-check nila.” Pahayag ni Mayor.
Idinagdag ni Mayor na marami pa anyang hawak na videos ang Anti-Cyber Crime Group ng PNP at sinuman ang pulis na mapapatunayang kasama sa mga video na ito ay papatawan ng kaparusahan.
CCTV cameras
Samantala, aminado ang Philippine National police (PNP) na bukod sa pagpapatrolya ng mga pulis, kailangan pa ng karagdagang kagamitan sa mga kalsada upang mapadali ang pagtukoy sa mga iligal na nagpapaputok ng baril.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, partikular na kanyang tinutukoy ang pagdaragdag ng mga CCTV cameras sa mga lansangan.
Suportado aniya ito ng senado at inaasahang makukumpleto ito bago matapos ang 2016.
Ipinabatid ni Marquez na makikipag-ugnayan sila sa isang service provider at maging sa mga lokal na pamahalaan para sa nasabing proyekto.
By Rianne Briones | Ratsada Balita | Meann Tanbio | Jonathan Andal