Posibleng makatulong sa pagpapabilis ng pagresolba ng isang kaso ang mga video na may kuha ng tunay na pangyayari ng insidente ng krimen.
Ito ang sinabi ng Malakanyang taliwas sa inihayag ni PNP Chief Police General Debold Sinas na posibleng malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga testigo ng krimen na kumukuha ng picture o video nito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sang-ayon naman siya na posibleng maging mitsa ng buhay ng testigo ang pagkuha nito ng video sa insidente.
Ngunit ani Roque, maganda ring samantalahin ang pagkakaroon ngayon ng teknolohiya para mapabilis ang paglilitis sa mga lumalabag sa batas.
Hindi aniya nalalayo rito ang pagkakaroon ng mga CCTV sa lansangan na layong bantayan kung sino ang mga gumagawa ng krimen.
Dagdag ni Roque, naniniwala lamang siya na napabuti na rin ang pagkakaroon ng video dahil naging madali para sa mga otoridad na patunayan ang pananagutan ng pulis at ang naturang video ay pupwede nang matanggap bilang ebidensya.
Magugunitang hinikayat ni Sinas ang publiko na iwasan ang pagpopost ng mga video o litrato sa social media ng mga nakuhanang insidente ng krimen sa halip ay ideretso na lamang ito sa mga otoridad.