Naglabas na ng pahayag ang may-ari ng Vietnamese boat na sumagip sa 22 Pilipinong mangingisdang nagpalutang-lutang sa karagatan matapos banggain ng Chinese vessel ang kanilang bangka sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Batay sa panayam ng pahayagang VnExpress kay Ngo Van Theng, naka-angkla ang kanilang bangkang pangisda malapit sa Recto Bank o Reed Bank pasado ala-una ng madaling araw nang magising sila sa boses ng mga dayuhan.
Sinilip aniya ito ng kapitan ng kanilang bangka na si Nguyen Thanh Tam at nakita ang dalawang walang ilaw na bangka na may sakay na dalawang lalaki.
Inakala pa umano nila na mga pirata ang mga lumapit na dayuhan pero dahil napansin nilang basang-basa ang mga ito at sa tulong na rin ng pagsenyas gamit ang mga kamay, naintindihan na nilang humihingi ang mga ito ng tulong.
Matapos aniya ng isang oras na paglalayag at makarating sa bahagi ng Recto Bank, doon na nila nakita ang 20 pang mangingisdang Pilipino na nakalutang sa dagat, suot ang mga life jacket at nakahawak sa mga piraso ng kahoy at ilang plastic barrier.
Agad naman nilang binigyan ng tulong ang mga nasabing Pilipino, binigyan ng pagkain at pinahiram ng radyo para makontak ang iba pang Pilipinong mangingisda.