Nahaharap sa kasong theft ang isang taxi driver matapos pagnakawan ng cellphone at maningil ng sobra-sobra sa pasaherong Vietnamese national na kabilang sa mga delegado ng ASEAN Summit.
Batay sa salaysay ng biktima sa Manila Police District (MPD) Station 5, 5:00 ng hapon kahapon nang sumakay siya sa taxi na minamaneho ng suspek na si Roderick Balilia sa tapat ng Rizal Monument sa Roxas Boulevard at nagpahatid sa Manila Bay.
Ngunit pinaikot-ikot lamang umano siya nito sa loob ng 20 minuto sa Padre Burgos at Kalaw, at ibinaba sa kabilang bahagi lamang ng Roxas Boulevard malapit sa kanyang pinagsakyan.
Dagdag pa niya, sinisingil umano siya ng taxi driver ng halos P3,000.00.
Sa tulong ng CCTV ay agad na naplakahan ang taxi at nakipag-ugnayan ang mga pulis sa LTO o Land Transportation Office kaya agarang natunton ang kinaroroonan ng suspek.
Itinanggi naman ng suspek na sinisingil niya ng halos P3,000.00 ang biktima, at ang cellphone na iniabot nito ay inakala niyang kabayaran para sa pamasahe kaya niya tinangay.