Nakapag-usap na sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker at Presidential Son Paolo Duterte hinggil sa umano’y kudeta sa kamara at term sharing sa liderato nito.
Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, naging malalim at masinsinan ang naging usapan ng dalawang opisyal, kung saan maayos aniyang naplantsa ang iba’t-ibang isyu.
Kasunod nito, nanawagan si Villafuerte sa mga kasamahang mambabatas na isantabi muna ang ambisyon sa pulitika at ibaling ang pansin kung papaano makatutulong ang kamara sa muling pagbangon ng bansa gaya ng pagtutok sa agarang pagpasa sa pambansang budget sa susunod na taon.
Giit pa ni Villafuerte, nababahala siya nagaganap sa liderato ng kamara, baka kasi maulit aniya ang nangyari noong 2018 sa pag-upo ni dating speaker Gloria Arroyo na pumalit kay dating speaker Pantaleon Alvarez, kung saan hindi agarang lumusot ang pambansang budget.