Kinalampag ni Senador Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nasa mahigit 300 manggagawa sa isang construction site sa Taguig City.
Ani Villanueva, dapat ay maging wakeup call ito sa DOLE para paigtingin at higpitan ng ahensya ang pag-iinspeksyon nito sa mga lugar paggawa ng mga empleyado.
Giit ng senador, dapat ay tinitiyak ng DOLE ang pagsunod ng mga employer sa occupational safety and health protocol at tumulong na makontrol ang pagkalat ng COVID-19.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Villanueva ang mga employer na sumunod sa mga panuntunan na inilalabas ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.