Umaasa si Senador Joel Villanueva na matatalakay sa panglimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano ng pamahalaan tungkol sa mga nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
Ayon kay Villanueva, mahalagang maihayag ng gobyerno kung papaano tutugunan ang problema ng mga nawalan ng trabaho ngayong may pandemya.
Aniya, kung sakaling matatalakay ito ng pangulo ay maganda rin kung magsisilbi rin itong utos sa mga ahensya ng gobyerno na kumilos para gumawa ng paraan para muling sumigla ang ekonomiya ng bansa kahit pa wala pang bakuna kontra COVID-19.
Kasabay nito, muling umapela ang senador sa gobyerno na magsagawa ng epidemiological monitoring and surveillance sa mga rehiyon na malakas at malawak ang mga aktibidad na pang ekonomiya gaya ng Metro Manila, CALABARZON at Cebu.