Nakatanggap na ng pormal na imbitasyon ang dalawang nangungunang senatorial candidate para sa proklamasyon na gagawin sa Linggo, Mayo 19.
Batay sa imbitasyon na natanggap nina Senador Cynthia Villar at Senador Grace Poe na nasa una at ikalawang pwesto, itinakda ang proklamasyon sa Linggo.
Hindi naman ito kinumpirma ng Comelec dahil hindi pa natatapos ang canvassing ng mga Certificate of Canvass (COC).
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, wala pang pinal na petsa at oras ng proklamasyon.
Target aniya ng komisyon na sabay sabay nang iproklama ang lahat ng nanalong 12 senador at mga party-list group.
Bago sinuspinde ng National Board of Canvassers (NBOC) ang canvassing kahapon, umabot na sa 87 porsyento o 146 mula sa 167 ang mga na-canvass na COC.
Pagpapaliban ng proklamasyon ng mga nanalong nationals candidates inihirit
Inihirit ng isang Senatoriable ang ipagpaliban ang proklamasyon ng mga nanalong national candidate kasunod ng naitalang mga aberya nuong halalan.
Ayon kay Leody de Guzman, kinililala niya ang kanyang pagkatalo sa eleksiyon ngunit kasabay nito ay nanawagan siyang imbestigahan ang mga delay at lapses na naganap sa ilang lugar.
Mahirap aniyang paniwalaan ang kredibilidad ng naging halalan lalo na kung hirap naman ang comelec na ipaliwanag ang mga nangyaring aberya tulad ng isyu sa SD cards, dayaan, vote buying at iba pa.
Iginiit ni De Guzman na magkaroon ng Independent Investigation upang maiwasan na mangyari ito sa mga susunod pang eleksiyon.