Maaari pa ring maharap sa asunto si Public Works and Highways Secretary Mark Villar, sakaling may ebidensiyang makapagpapatunay na sangkot ito sa kurapsyon.
Ito ang inihayag mismo ng asawa ni Villar na si Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar bilang tugon sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na masyado nang mayaman ang kalihim para maging tiwali.
Ayon kay Aglipay-Villar, ipinahayag lamang ng Pangulo ang tiwala at kumpiyansa nito kay Villar na tulad kay Health Secretary Francisco Duque III na nahaharap sa iba’t-ibang alegasyon.
Binigyang diin naman ni Aglipay-Villar na kabilang pa rin sa iniimbestigahan hinggil sa isyu ng kurapsyon sa DPWH ang kanyang asawa.
Alinsunod na rin aniya ito sa kautusan ng Pangulo na lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan ay kinakailangan siyasatin sa isyu ng kurapsyon at makasuhan sakaling mapatutunayang sangkot dito.
Una nang sinabi ni Aglipay-Villar na hindi siya makikibahagi sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa DPWH.