Kinompronta ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairmam Senadora Cynthia Villar ang taga-Bureau of Plant Industry dahil sa walang tigil na pag-iisyu ng import permit maging sa mga rice cooperatives.
Ang pagkompronta ay ginawa sa pagsisimula ng pagdinig ng senado kaugnay sa umano’y paggamit ng ilang rice traders sa mga rice cooperatives bilang dummy para sa importation.
Lumitaw na 1/3 na ng kabuuang rice import sa bansa ay mula sa mga rice cooperatives na galing sa mga rice-producing provinces tulad sa Bulacan, Mindoro, Tarlac, Nueva Ecija, Pangasinan, Ilocos Norte at Pampanga.
Ayon kay Villar, sa 507 rehistradong rice importers, 212 ay mga farmers cooperative.
Noong 2019, umabot sa 1-milyong metriko tonelada ng bigas ang inangkat ng mga kooperatiba habang ngayong taon, umabot na sa 632,000 metric tons, kaya ang tanong ay kung paano ito nakakayang gastusan ng mga kooperatiba.
Ayon kay Villar, ironic o kakatwa na nagrereklamo ang mga magsasaka sa pagbagsak ng presyo ng bigas dahil sa pagpasok ng imported rice pero lumilitaw na samahan mismo ng mga magsasaka sa rice producing provinces ang nag-aangkat nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Villar na dapat i-ban na ang mga kooperatiba o tanggalin sa listahan ng papayagang mag-import para sa kapakanan ng local farmers at upang hindi rin mabiktima ng mga traders na gumagamit sa kanila bilang front o dummy.
Sinabi ni Agriculture Secretary Rodolfo Vicerra na magpapalabas na ang Department of Agriculture ng administrative order na mag-aalis sa farmers cooperatives at irrigators association sa listahan ng mga pwedeng mag-import ng bigas.
Ipagbabawal din ang importasyon ng bigas bago at habang anihan.
Napagdesisyunan naman sa gtna ng padinig na hindi na mag-i-isyu ng rice import permit sa mga buwan ng Pebrero, Marso, Abril, Hulyo, Agosto, Setyembre at Oktubre.
Iisyu ang import permit sa mga buwan ng Enero, Mayo, Hunyo, Nobyembre at Disyembre. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)