Hindi muna maaaring ibenta sa merkado ang limang brand ng suka na natukoy ng Food and Drug Administration (FDA) na gumagamit ng synthetic acetic acid sa paggawa ng suka.
Ayon kay Health undersecretary at FDA officer-in-charge Eric Domingo, pag-aaralan pa ng ahensya kung ano ang mga naging pagkukulang o paglabag ng mga manufacturer ng Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar, Tentay Sukang Tunay na Asim at Chef’s Flavor Vinegar.
Kailangan pong i-recall nila lahat ito at hindi po maaaring ibenta sa merkado at wala po dapat access ang ating mga kababayan sa mga produktong ito,” pahayag ni Domingo.
Ipinaliwanag ni Domingo na bagamat walang idinudulot na masama sa kalusugan ang paggamit ng mga artipisyal na pampaasim, natural na proseso lamang sa paggawa ng suka ang pinapayagan sa Pilipinas.
Opo, wala naman pong health hazard, hindi naman po sya nakaka-cause ng kung anumang sakit at katulad din naman po siya ng acetic acid na galing po na galing po sa natural na fermentation. ‘Yun nga lang po, dito sa Pilipinas po kasi, pag sinabi nating suka, kailangan po nanggaling sya sa natural product tyaka natural fermentation. ‘Yun po ang ating standards for vinegar,’ paglilinaw ni Domingo.
Tiniyak naman ni Domingo na tuloy-tuloy ang gagawing pagsusuri para sa iba pang mga brand ng suka para alamin kung hindi dumaan sa natural na proseso ang paggawa sa mga ito.
So, kung wala naman po sa listahan d’yan, wag po naman silang mangamba at sa mga susunod na araw magte-test pa naman po tayo ng iba pang mga produkto para malaman at kung may maidadagdag naman po tayong makikita nating ganon na synthetic din ang ginagamit, magdadagdag naman po tayo sa listahan.” dagdag pa ni Domingo.
Ratsada Balita Interview