(11 AM Update)
Napanatili ng bagyong Vinta ang lakas at bilis nito habang patuloy na kumikilos patungong Eastern Mindanao.
Huling namataan ang bagyo sa layong 340 kilometro Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugsong papalo sa 80 kilometro kada oras.
Gumagalaw ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 18 kilometro kada oras.
Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 2 sa Surigao del Norte kabilang na ang Siargao Islands, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, at Northern Davao Oriental habang signal number 1 naman sa Southern Leyte, Southern Cebu, Siquijor, Bohol, Dinagat Island, Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Lanao del Norte, Lanao del Sur, North Cotabato, Maguindanao, natitirang bahagi ng Davao Oriental, Davao del Sur, Compostella Valley, Davao del Norte and Zamboanga del Sur.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyong Vinta sa bahagi ng Caraga-Davao region sa pagitan ng Huwebes ng gabi at Biyernes ng umaga.
Asahan ang malawakang katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan sa bahagi ng Eastern Visayas, Caraga at Davao Region sa loob ng 24 oras.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar at pinayuhang maging alerto laban sa posibleng flashfloods at landslides.
Mapanganib rin ayon sa PAGASA ang paglalayag sa eastern seaboard ng Visayas at Mindanao dahil sa bagyo.
—-