Direktang nakipag-ugnayan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang ilang ‘VIPs’ upang humiling na makapagpa-test para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inamin ni Health Secretary Francisco Duque III sa kabila ng kakulangan ng testing kits para sa COVID-19 sa bansa.
Gayunman, depensa naman ni Duque, pasok ang mga naturang VIP sa guidelines ng Department of Health (DOH) sa kung sinu-sino ang mga kwalipikado upang magpa-test – gaya ng mga indibiduwal na may exposure sa COVID-19 patient at may travel history sa mga bansang nakapagtala na ng local transmission ng virus.
Dagdag pa ni Duque, posibleng magkaroon ng pagbabago sa testing criteria ng ahensya dahil sa karagdagang 100,000 testing kits mula sa China.
Samantala, nasa 34 na opisyal na gobyerno, na walang sintomas ng COVID-19, ang nag-demand umano sa RITM na gawing prayoridad para sa COVID-19 testing pati na ang kanilang pamilya.