Naging usap-usapan kamakailan sa bansa ang Basaan o Wattah Wattah Festival ng San Juan, Metro Manila.
Mabilis na kumalat sa social media ang iba’t ibang videos kung saan makikita ang tila nakakapesteng pistang ito.
Isa sa mga nag-viral dito ang video ng isang residente ng San Juan na makikitang nakadila at nang-aasar habang paulit-ulit na binabaril ng water gun ang isang rider.
Natukoy ang residenteng ito na si Lexter Castro o mas kilala ngayon sa social media bilang “Boy Dila”.
Humarap mismo kay San Juan Mayor Francis Zamora si Castro upang humingi ng tawad sa publiko sa kanyang naging asal sa Wattah Wattah Festival.
Ayon kay Castro, nakatatanggap na siya at ang pamilya niya ng death threats dahil sa insidente, kaya nakiusap siya sa mga netizen na tigilan na ito.
Nanawagan din si Mayor Zamora sa mga netizen na huwag nang magpadala ng fake bookings at deliveries sa bahay ni Castro bilang ganti sa inasal nito noong pista.
Ayon sa alkalde, delivery riders at sellers lamang ang nabibiktima nito.
Kung matatandaan, ipinakalat ng mga netizen ang pangalan, address, at contact number ni Castro na nag-uudyok na padalhan ito ng pekeng orders sa pamamagitan ng cash on delivery (COD).
Samantala, ibinahagi ni Mayor Zamora na balak nilang amyendahan ang kanilang 2018 City Ordinance upang madagdagan ang mga parusa laban sa mga lalabag sa guidelines ng Wattah Wattah Festival.
Aniya, oras man para sa kasiyahan at pagdiriwang ang pista, mahalaga pa ring tandaan na mayroong kahihinatnan ang anumang hindi magandang asal.