Viral ngayon sa social media ang isang bahagi ng news interview ng BBC o British Broadcasting Corporation.
Isang normal at seryosong live interview ikinasa ng BBC kay Regional expert at Pusan National University Professor Robert kelly.
Si Kelly na nasa kanyang opisina sa bahay ay kinukunan ng BBC ng kanyang ekspertong opinyon ukol sa pagkaka-impeach kay South Korean President Park Geun-Hye sa pamamagitan ng Skype.
Pero sa kalagitnaan ng interview, may dumating na hindi inaasahang bisita.
Habang nagsasalita at sumasagot sa mga tanong si Kelly ay bigla namang bumukas ang pinto ng opisina nito, at lumabas ang kanyang apat na taong gulang na anak na si Marion.
Tumabi ito kay Kelly at mistulang nagpapapansin, sa kabila nito, kalmado pa rin si Kelly at sinisikap na mapanatili ang kanyang composure habang nasa live interview.
Hinawi ni Kelly ang anak, para sa pagbabakasakaling umalis ito ngunit nabigo siya.
Dumoble ang problema nang dumating ang isa pang anak ni Kelly, ang siyam na buwang gulang na si Baby James na naka-walker pa o andador.
To the rescue naman ang misis ni Kelly na dali-daling kinuha ang mga anak, kung saan sa pagkataranta ay nagkahulog hulog naman ang mga libro sa tabi ni Kelly.
Matapos maialis sa kwarto ang mga bata, may pahabol pa ang misis ni Kelly na paggapang na inabot ang door knob at saka isinara ang pinto.
Halos matunaw sa kahihiyan si Kelly sa kanyang live interview at humingi ng pasensya sa hindi inaasahang pangyayari.
By Ralph Obina
Video Credit: BBC News / YouTube