Posibleng matanggalan ng driver’s license at ma-ban sa pagkuha nito habambuhay ang lalaking viral sa video na nagmamaneho habang nasa passenger’s seat ng sasakyan.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Director Atty. Francis Almora, kabilang ito sa kanilang magiging rekomendasyon bukod pa sa mga multa laban sa nasabing lalaki kinilala bilang si Miko Lopez.
Sinabi ni Almora, bagama’t bibigyan pa rin ng pagkakataon si lopez na makapagpaliwanag matapos namang hindi sumipot nang ipatawag ng LTO kahapon hindi na nito mapipigilan ang pagsusumite nila ng rekomendasyon kay LTO Chief Asec. Edgar Galvante.
Kabilang aniya sa mga posibleng kaharapin ni Lopez ay reckless imprudence at illegal modification matapos magmaneho ng sasakyan habang nasa passenger’s seat at walang manebela.
“Within the week po hanggang bukas po maipapasok na namin yung recommendation kay Asec. Galvante po na siya po yung mag final review. Yung sa mga violation niya fines and penalties po ‘yun nakasaad po yun sa joint administrative order. Pero ang tinitingnan natin yung paggamit po ng assistant secretary ng kanyang kapangyarihan dahil po ang kanyang blisensya ay isang privilege lamang at pwedeng bawiin ng LTO.” Pahayag ni Almora.