Iniimbestigahan na ngayon ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang naunsyaming pag-aresto ng pulis sa isang negosyante sa loob ng Dasmariñas Village sa Makati City.
Ayon kay JTF COVID Commander P/LtG. Guillermo Eleazar, dalawang bersyon ng video ang kaniyang natanggap at ito aniya’y isinasailalim na sa kanilang pagsisiyasat.
Makikita sa unang video na kuha ng asawa ng negosyante na nakilalang si Javier Salvador Parra ang pagpupumilit ng pulis na kinilalang si P/MSgt. Roland Madrona na arestuhin ang kaniyang asawa.
Nag ugat ito nang sitahin ng Bantay Bayan ng Dasmariñas Village sa kasambahay nitong sina Parra dahil sa hindi nito pagsusuot ng facemask habang nagdidilig ng halaman sa kanilang bakuran.
Pinagsabihan umano ng Bantay Bayan ang kasambahay na magsuot ng facemask at binalaang pagmumultahin dahil sa kaniyang paglabag sa umiiral na panuntunan ng ECQ sa kanilang lugar.
Dahil dito, nagsumbong ang kasambahay sa kaniyang mga amo dahilan upang kumprontahin nito ang Pulis na si Madrona na kasama ng nagrorondang Bantay Bayan.
Makikita sa unang video na nagpapambuno sina Madrona at Parra na ayaw magpaaresto at pilit na pumiliglas habang sumisigaw naman ang misis nito ng Tresspassing dahil sa pagpasok ng Pulis sa kanilang bakuran.
Hanggang sa makapasok na sa bahay si Parra kung saan wala nang nagawa pa ang Pulis subalit iginigiit nito ang pag-aresto sa negosyante.
Samantala, makikita naman sa video na kuha ng Bantay Bayan ang pagwawala ni Parra sa harap ni Madrona na walang damit pang itaas at umaming naka-inom ng alak.
Duon, pinagsisigawan ng negosyante ang Pulis at pilit itong tinataboy at pinagsabihang walang karapatang pumasok sa lugar tulad ng kanilang subdivision, dahilan na nagtulak kay Madrona na gawin ang trabaho nito.
Batay naman sa ulat ng JTF COVID Shielf, mismong ang Barangay Chairperson ng Dasmariñas na si Rosana Hwang ang siyang humiling sa mga Pulis na magpatrolya dahil sa hindi masawatang paglabag ng mga residente ruon sa ECQ.
Iginiit pa ni Hwang na naging magalang naman ang Bantay Bayan at ang Pulis na sumita sa kasambahay nila Parra at pinagsusuot ito ng facemask.
Sa ngayon, hinihintay na lang ng Joint Task Force COVID Shield na makumpleto ang detalye sa insidente upang ganap nang masimulan ang masusi nilang imbestigasyon hinggil dito.