Inirekomenda ng Bureau of Immigration (BI) intelligence division ang pagkansela sa visa at pagpapa-deport sa dalawang naarestong Chinese national sa sinalakay na underground o hindi otorisadong ospital sa Pampanga.
Ayon kay Immigration Deputy Commissioner Tobias Javier, inihahanda na nila ang kanilang isusumiteng report at rekomendasyon kay Immigration Commissioner Jaime Morente at legal division ng ahensiya.
Sinabi ni Javier, nakikipag-ugnayan na rin sila sa pulisya na kasalukuyang may hawak sa dalawang naaarestong Chinese para sa pag-turn over sa kustodiya ng mga ito.
Magugunitang, sinalakay ng pulisya ang isang dating leisure village na ginagamit bilang iligal na botika at ospital para sa mga Chinese na may COVID-19.
Sinasabing nagsisilbi bilang administrator at pharmacist ng iligal na pasilidad ang dalawang naarestong Chinese habang tinutukoy pa ang mga Chinese din na nagpagamot sa nabanggit na iligal na ospital.