Patuloy na umiiral ang Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) o ang salubungan ng hangin mula sa Northern at Southern Hemisphere kung saan, nabubuo ang mga kaulapan na nagdadala ng mga pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat sa bansa partikular na sa Visayas, Palawan, at Mindanao.
Ayon kay PAGASA weather specialist Patrick Del Mundo, makararanas ng mga pag-ulan ang bahagi ng Quezon Province, Bicol Region, at Eastern Visayas kaya asahan ang mga pag-ulan dahil sa ITCZ.
Ang shearline naman o ang pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin ang nakakaapekto sa silangan ng Northern Luzon.
Asahan pa rin ang mga pag-ulan sa bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, at Aurora dahil naman sa epekto ng shearline habang ITCZ naman ang nakakaapekto sa MIMAROPA at Bicol Region na nagdadala ng mga kaulapan sa mga nabanggit na lugar.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila, at nalalabing bahagi pa ng Visayas at Mindanao maliban na lamang sa tiyansa ng mga pag-ulan lalo na sa hapon hanggang sa gabi dahil naman sa localized thunder storm.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 24°C hanggang 31°C habang sisikat naman ang haring araw kaninang 5:59 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:24 ng hapon.