Ipatatawag din ng Senate Blue Ribbon Committee si dating justice secretary Vitaliano Aguirre sa pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa kontrobersiya sa pagpapatupad ng GCTA o Good Conduct Time Allowance Law.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, kanilang itinakda ang pagharap ni Aguirre sa hearing sa Setyembre 19.
Aniya, pagpapaliwanagin ang dating kalihim kung bakit ipinagpatuloy ang implementasyon ng GCTA Law nang hindi ipinatutupad ang department order number 953 na ipinalabas ni Supreme Court Associate Justice Benjamin Caguioa noong ito’y kalihim pa ng DOJ.
Batay kasi sa nabanggit na department order, kinakailangang dumaan at aprubahan ng secretary of justice ang pagpapalaya sa mga bilanggong nahatulan ng reclusion perpetua.
“Meron nang order diyan na “Hoy, Mr. Aguirre, o, bakit hindi mo sinunod yan? Sang ayon k aba diyan? Lalaban ka ba diyan? Na hindi ka pwede magpalabas na sinasavbi oh, papalabasin ko na ito, life imprisonment ito, dapat may pananagutan ka diyan, for approval of secretary of justice yan. Hindi ka pwedeng magpalabas kung hindi mo na compute. Bigyan mo ako ng certification. Proseso lang yon sa Bureau of Prisons. Graduate na ako, palabasin mo na ako, kailangan parin ng isang one month notice yang secretary of justice para malaman kung tama ba yung computation mo,”
Samantala, sinabi ni Gordon na posibleng paharapin din sa Senate hearing si detained senator Leila De Lima sa hinaharap.
“Sabi ko, this is part of the condition of prisons na gusto ko malaman at ito ang nangyari. Factual condition. Siya ang nakaupo noon. I don’t have any against secretary De Lima, I’m sorry if she is in this kind of condition but the point is, kung sasabihin nila na nilalayo namin ito para kay Faeldon, mali siya diyan.” — Pahayag ni Senador Richard Gordon.
(IZ Balita Nationwide Sabado- Tanghali interview)