Kinasuhan ng dalawang bilang ng graft at paglabag sa Procurement Law ng Ombudsman sa tanggapan ng Sandiganbayan si dating Metro Rail Transit (MRT) General Manager Al Vitangcol at iba pa.
Ito ay kaugnay sa maanomalyang maintenance contract na pinasok ng MRT sa PHILTRAMS o Philippine Trans Rail Management and Services Corporation at Hong Kong Builder Technology Philippine Corporation.
Napag-alaman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na kamag-anakan o uncle in law ni Vitangcol ang direktor ng PHILTRAMS na si Arturo Soriano.
Dahil dito kinasuhan din ng Ombudsman si Soriano kasama sina Wilson de Vera, Marlo dela Cruz, Manolo Maralit, Federico Remo.
Nag-ugat ang kaso nang payagan ni Vitangcol ang kanyang kamag-anakan na makipag-transaksyon sa MRT 3.
Lumalabas din na inilihim ni Vitangcol na kamag-anak nito si Soriano.
Ex-GSIS president
Kinasuhan naman ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Government Service Insurance System (GSIS) President Winston Garcia.
Ito ay dahil umano sa paglabag ni Garcia sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay sa e-card transaction na pinasok nito at iba pang opisyal ng GSIS kung saan kaagad isinara ang bidding process para mapaboran ang Union Bank.
Bukod kay Garcia, kabilang din sa mga kinasuhan sina dating GSIS Vice President Enrique Palma Disuangco, dating Senior Vice President Benjamin Tolentino Vibas at Hermogenes Diaz Concepcion, Chairman ng Board of Trustees.
By Ralph Obina | Judith Larino | Jill Resontoc (Patrol 7)