Vindicated ang pakiramdam ni dating Metro Rail Transit o MRT-3 General Manager Al Vitangcol nang kasuhan ng plunder ang mga dating naging boss niya sa Department of Transportation and Communication o DOTC noong Aquino administration dahil sa mga aberya ng MRT-3.
Ayon kay Vitangcol, February 2016 pa nang maglabas siya ng affadavit hinggil sa mga dapat na managot sa mga kapalpakan ng MRT-3.
Si Vitangcol ay nahaharap sa kasong graft sa Sandiganbayan dahil sa di umano’y tangkang pangingikil ng 30 milyong dolyar mula sa Czech company na Inekon Group noong 2012, isa sa mga gustong magsuplay ng bagon ng tren para sa MRT-3.
“It’s a vindication for me kasi ever since yan na ang sinasabi ko na ako’y walang kasalanan at ako’y isang empleyado lamang na nag-iimplement ng mga programa, in fact wala sa amin ang procurement nasa DOTC dati so doon ako nagtataka kung bakit ako nakasuhan on the procurement of the maintenance noong panahon ko eh hindi naman ako nagpo-procure nun kundi ang DOTC.” Ani Vitangcol
Samantala, kumbinsido si Vitangcol na hindi dapat ibunton sa Busan Universal Rail Incorporated o BURI ang maintenance provider ng MRT-3 ang lahat ng sisi sa kapalpakan ng MRT-3.
Sinabi ni Vitangcol na posibleng may kapalpakan ang BURI subalit hindi dapat isantabi na maaaring may pagkukulang rin ang pamunuan ngayon ng MRT-3.
Una nang kinasuhan ng Department of Transportation o DOTr ang mga dating DOTC secretaries na sina Mar Roxas at Jun Abaya at iba pang cabinet members na miyembro ng policy board gayundin ang ilang opisyal ng BURI.
“Ang Sumitomo mataas na rin ang unloading nila noong panahon na yun tapos nung pag-upo natin ng 2012 na sila pa rin ang provider ay napababa natin yan in cooperation also with Sumitomo, ano po ang ibig sabihin niyan, it’s not a purely maintenance problem may kasama yang management, so titignan mo dapat kung how it is managed.” Pahayag ni Vitangcol
(Ratsada Balita Interview)