Kilala ang vlogger na si Dongz Apatan mula sa Iligan City dahil sa kanyang mukbang videos.
Sa kanyang mga content, makikita kung paano niya kainin ang iba’t ibang putok-batok dishes o ‘yung mga pagkaing may mataas na cholesterol na posibleng maging sanhi ng heart attack o stroke.
Kamakailan lamang, napagdesisyunan ni Dongz na kumain ng buong ulo ng baka sa kanyang susunod na content.
Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, ito na ang pinakahuling video niya.
Ayon sa kanyang kapatid na si Leah Apatan, umalis lamang ng bahay si Dongz matapos gawin ang kanyang video kung saan siya kumain ng pinalambot na ulo ng baka na may kasamang kanin at suka.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ang pamilya ng hindi inaasahan at nakababahalang balita: inatake si Dongz.
Agad na idinala sa ospital ang vlogger. Sumailalim siya sa iba’t ibang test at doon nalamang may namuong dugo sa kanyang utak.
Ililipat pa sana siya sa ibang ospital para sa surgery ngunit sa kasamaang palad, binawian na siya ng buhay.
Naging paalala ang nakalulungkot na pangyayaring ito na bagama’t nais nating maghandog ng kakaiba at nakaaaliw na content sa social media, dapat pa rin nating gawing prayoridad ang ating kalusugan at kaligtasan. Tandaan, tunay ngang ang lahat ng sobra ay nakasasama at minsan, nakamamatay pa.