Hindi umano kasalanan ang pagbili at pagbebenta ng boto.
Ito ang paniwala ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa gitna ng nalalapit na 2022 National at Local Elections.
Ayon kay Villegas, bagaman iligal ang vote buying at selling, hindi maaaring ituring na kasalanan ang pagtanggap ng pera dahil depende ito sa sitwasyon at pangangailangan.
Inihayag ng dating pangulo ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines na kung hindi pumabor sa kondisyon ng kandidatong bumibili ng boto ang botante na tumatanggap ng pera kapalit ng boto ay hindi ito kasalanan.
Gayunman, ibang usapan na anya kung sikmura ang magdidikta lalo’t walang pinipili ang tiyang kumakalam.
Ipinunto ni Villegas na hindi naman obligado ang mga botante na tumalima sa isang iligal na kasunduan at sa bandang huli ay ang diyos pa rin ang dapat piliit sa halip na ang kandidatong bumibili ng boto. –-sa panulat ni Drew Nacino