Magsasagawa ng hakbang ang Commission on Election (COMELEC) hinggil sa posibilidad na magkaroon ng vote buying sa 2022 National Election sa pamamagitan ng teknolohiya.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, kabilang sa kanilang kinausap ay ang Gcash upang mamonitor kung mayroong magaganap na kahina-hinalang transaksyon.
Kasama na rito ang mga accounts na babagsakan ng malaking pondo at makikitang maglilipat ng maliliit na halaga sa ibang account, ilang araw bago ang araw ng botohan.
Dahil dito, sisikapin ng ahensya na tugunan ang patagong anomalya tuwing botohan sa pamamagitan ng binuong “task force kontra bigay”.
Maliban dito, nakikipag-ugnayan na rin ang COMELEC sa mga courier service na posibleng magamit sa iligal na transaksyon sa eleksyon.