Itinuturing na makasaysayan ng abogado ni dating senador Bongbong Marcos ang sisimulang manual counting sa mga balota ng korte suprema na umuupo bilang PET o Presidential Electoral Tribunal bukas, Abril 2.
Ito ay bilang bahagi naman ng inihaing electoral protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo noong nakalipas na 2016 presidential elections.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, ito ang kauna-unahang pagkakataon na umabot sa manual recount ang mga inihaing protesta sa halalan sa posisyon ng pangulo at bise presidente.
“Kami rin ho ay first time na magiging bahagi ng manual recount, dahil yun nga ho, wala hong nangyaring manual recount sa kasaysayan ng ating bayan na umabot sa manual recount. In fact wala ho akong matandaan na nakatuwid man lang sa preliminary conference stage, tayo ho nalagpasan ho nating lahat yan.”
Inaasahan naman ni Rodriguez na matatapos ang recount sa lahat ng mga balota mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental sa loob ng tatlong buwan.
Aniya, posibleng isang ballot box kada presinto o nasa 50 ballot boxes ang matatapos na bilangin ng mga binuong revision committee sa isang araw.
“We’re looking at the most sa simula, isang ballot box kada presinto or 50 ballot boxes per day. Kung mapapansin po ninyo, baka sabihin niyo napakabagal naman yang manual recount na yan, yun po yung mga panimulang araw and hopefully as we progress on the manual recount, e mdyo bumilis po yung usad. Not unless every ballot will be contested by both parties and they might find some discrepancy doon po sa balota.”