Nilusob ng grupong nagsusulong ng tambalang Marcos–Sotto o MarSo tandem ang tinaguriang ‘vote rich’ na lalawigan Cavite kaninang umaga.
Sa huling ratsada sa Cavite ng transport groups na sumusuporta sa tandem ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo na si dating Sen. Bongbong Marcos at Nationalist People’s Coalition vice presidencial bet na si Tito Sotto, ito ang naging pinakamatagal, pinakamahaba at lubhang dinagsa ng mga mamamayan na motorcade.
Dahil kailangan nitong tumahak sa Aguinaldo Highway at bawal sa tricycle, nagpasya ang pangunahing convenor ng MarSo na Philippine Transport Monitor (PhilTraM) sa motorcade na kanselahin ang kanilang paglahok ngunit agad itong napalitan ng mahigit sa 30 riders na lalong nagbigay kulay sa caravan.
Kasunod ng maikling panayam ng local media, sumilbato na si PhilTraM national chairman Aoi Bautista bilang hudyat ng pag-arangkada ng caravan na nagsimula eksaktong 8:30 ng umaga at bumaybay sa mga lungsod ng Bacoor at Imus hanggang sa Dasmarinas City.
Sa dagundong ng MarSo jingle mula Bacoor hanggang Dasmariñas, hindi maiwasan ng mga motorista at bystanders na mapalingon, kumaway at mag-thumbs-up bilang sensyales ng pagsang-ayon sa lider ng PhilTram na nakaposisyon sa loob ng lead car.
Sa kabuuan, natapos ang motorcade sa loob ng halos isang oras.
“Wow, grabe inabot tayo ng almost one hour. 45 minutes to be exact. Inorasan ko at masasabi ko this was the best motorcade we ever had in the past few weeks at maganda ang reception ng tao,” ani Bautista.
Sa mga naunang serye ng pangangalampag ng PhilTram para sa MarSo, naglunsad din ng mga kaparehong motorcade ang transport group sa Sto. Tomas City, Tanauan City sa Batangas gayundin sa Montalban, Rizal bago tumulak sa mga probinsiya, siyudad at bayan sa North Luzon tulad ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Nueva Viscaya, Isabela, Cagayan, Tuguegarao, at Aparri.
Mula sa Aparri, bumaba sila ng Batac, Sarrat, Vigan, Candon, La Union, Dagupan at Villasis, Pangasinan kung saan nakatanggap ang MarSo ng pinakamalakas na pagpapakita ng pag-apruba mula sa mga taong-bayan na umubos ng mga dala ng MarSo na flaglets, flyers, tarpaulin, t-shirts, ballers at iba pang paraphernalia.
Base sa pagtanggap ng publiko saan man magpunta ang MarSo Team, ligtas na ipagpalagay na ang BBM-Tito Sotto tandem ay tanggap ng mamamayan sa Norte.
“Naghihinayang lang sila bakit ngayon lang daw kami nagawi sa Norte. Anila dapat noon pa. Pero hindi pa naman daw huli ang lahat at tiyak na dadalhin pa rin nila ang tambalang Marcos-Sotto,” pakli pa ni Bautista.
Si BBM ay tumatakbo sa ilalim ng bandila ng UniTeam kasama ang presidential daughter na si Sara Duterte bilang running mate habang si Sotto ay siyang standard-bearer ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at katambal si Puwersa ng Masa presidentiable Ping Lacson.
Si Marcos ay may napakalaking kalamangan sa lahat ng survey platforms habang si Sotto ay nakabuntot kay Duterte ngunit mayroon pa rin siyang fighting chance sa vice presidential race hanggang sa aktuwal na botohan ayon pa sa political observers.
Ang grupo nila ay sinalubong ng napakaraming tao sa Commercial Plaza sa Barangay Niog sa Bacoor, Cavite.
“Noon pa man, prepared na namin ‘yang Marcos-Sotto. Parehon naming gusto ang kanilang plataporma para sa masang Pinoy,” wika naman ng isang tindera ng kakanin na si Aling Terry Marcial.
“Si Senator Sotto malaking maitutulong yan kay BBM pag sila na namahala sa Malacanang. Pareho silang may puso para sa mahihirap lalo na sa transport sector,” sambit ng tricycle driver na si Odie Velasco.
Inaasahang ibibigay ng mga Kabitenyo ang tinatayang 800,000+ boto na ipinangako ni Governor Junvic Remulla kay Marcos.
Bilang running mate ni Cavite stalwart Sen. Ping Lacson, tinatamasa din ang kandidatura ni Sotto ang maalab na suporta sa probinsiya kung saan target na palakasin pa ng PhilTraM sa pamamagitan ng kanilang maistratehikong kaparaanan.