Pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang oras sa pagpaparehistro ng botante para sa Halalan 2022.
Ayon sa COMELEC, tatanggap sila ng aplikasyon ng mga magpaparehistro na botante mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Martes hanggang Sabado, kabilang ang holidays.
Tuwing Lunes naman ay magkakaroon ng disinfection sa mga tanggapan ng poll body.
Bukod dito, maaari na ring maghain ng aplikasyon ang mga Pilipinong nasa iba’t ibang bansa para maging overseas voters.
Kinakailangan lamang nila bumisita sa mga local field registration center mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Samantala, sinabi naman ni COMELEC Commisioner Rowena Guanzon na nasa 1.3-milyon pa ang hindi nagpaparehistro na pwede maging botante para sa darating na local at national elections sa ika-9 ng Mayo, taong 2022.