Mananatiling suspendido ang voter’s registration at iba pang aktibidad na may kinalaman dito hanggang Hunyo 30.
Ito ang inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec), kasunod na rin ng pinalawig pang implementasyon ng enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.
Ayon kay Comelec Executve Director Bartolome Sinocruz Jr., mahihirapan pa rin silang magsagawa ng voter registration dahil sa patuloy na pagiging limitado ng paggalaw ng mga tao sa maraming lugar sa bansa.
Dagdag ni Sinocruz, mabibigyan din ng panahon ang Comelec para makapaglatag ng mga plano upang matiyak na masusunod ang mga pag-iingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) oras na ikasa na muli ang voters registration.
Ito na ang ikatlong beses na sinuspinde ng Comelec ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa voter registration dahil na rin sa banta ng COVID-19.