Umarangkada na ang pagbabalik ng voters’ registration para sa darating na eleksyon sa 2022 ngayong araw, unang araw ng Setyembre.
Ito ay sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine protocols bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Bago pa man nagbukas ang tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Arroceros, Manila, ilang mga magpaparehistro ang nakapila na sa labas ng opisina.
Mahigpit namang ipinatutupad ang mga health at safety protocols tulad ng social distancing at pag-check ng temperatura bago pumasok ng tanggapan ng COMELEC.
Gayundin ang palagiang pagsusuot ng face shield at face masks sa loob ng opisina ng COMELEC na tatanggalin lamang kung kukuhanan na ng larawan ang voter registrants.
Samantala, bahagya namang nagkaroon ng kalituhan sa pagpaparehistro ang ilan sa mga aplikante.
Ito ay makaraang mabigong mag-preregister sa Facebook ang ilang mga aplikante na walang Facebook account habang ang ilan ay hindi alam ang bagong requirement.