Apektado na rin ng hindi pa naipapasang 2019 national budget ang implementasyon ng voucher program ng Department of Education (DepEd) para sa mga papasok na senior high school ngayong darating na school year.
Ayon sa DepEd, hindi pa nila binubuksan ang aplikasyon para sa voucher program dahil kanila pang hinihintay ang pagpasa ng 2019 budget.
Sinabi ng DepEd, kulang ng halos anim (6) na bilyong piso ang pondo para sa voucher program ngayong re-enacted ang 2018 budget.
Anila, nangangailangan sila ng 20.3 billion pesos para sa pagpapatupad ng programa ngayong taon habang 14.4 billion lamang nakalaan sa re-enacted na budget.
Nilinaw naman ng DepEd na tanging ang aplikasyon para sa voucher program ng mga nakapagtapos na Grade 10 sa mga pribadong eskuwelahan ang kasalukuyang nakabitin.
Ito, anila ay dahil ang mga nag-enroll sa mga pampublikong paaralan, state universities and colleges (SUCs) o mga private schools pero benipisyaryo na ng programa ay hindi na kinakailangang pang mag-apply.
—-