Plano ni Senior Supt. Elmer Jamias ng Southern Police District o SPD na sampahan ng kaso si Vice President Jejomar Binay.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Col. Jamias na ito’y kasunod ng naganap na tensiyon sa Makati City kaugnay pa rin ng ikalawang suspension order ng Ombudsman laban sa anak ng Bise Presidente na si Mayor Junjun Binay.
Giit ni Jamias, nilait, dinuro at binantaan siya ni VP Binay habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa naturang lungsod, kagabi.
“Hindi po ako sinaktan, tinuro-turo lang po, sinasabi niya na yung ginawa ko sa Maynila ay huwag kong gagawin sa Makati, sinabi ko sa kanya na wala po akong ginawang labag sa batas at buong buhay ko, naglingkod ako sa bayan para sa katahimikan.” Pahayag ni Jamias.
Itinanggi
Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Jojo Binay na hinarass nito ang mga miyembro ng Southern Police District o SPD na nagbarikada sa Makati City Hall.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Joey Salgado, tagapagsalita ni VP Binay, na gumagawa lamang ng kuwento si Col. Elmer Jamias.
Kaya umano sinita ni VP Binay ang mga pulis ay dahil sa panghaharang sa ilang supporters kung saan sinasabing itinulak pa ng isang police major ang ilang babaeng senior citizen.
“Siyempre pag may ganun, nakita ng mga tao nagkaroon ng tulakan, pero ang sinasabi ni Jamias na nanakit si VP Binay, yan po ay malaking kasinungalingan, nandoon po ang media, nakita po ng media, ako nandoon din po eh.” Pahayag ni Salgado.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit