Binatikos ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang Malakanyang kaugnay sa umano’y pagkwestiyon nito kung talaga bang ang Philippine National Police-Special Action Force ang nakapatay sa teroristang si Marwan.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ng bise presidente, sa halip na kwestiyunin, bakit hindi na lamang aniya himukin ng malakanyang si Justice Sec. Leila de Lima na tuparin ang pangako nitong pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa Mamasapano clash na naganap noong Enero 25.
Itinuturing din ni Quicho ang naturang pahayag ng malakanyang bilang isang alternative truth o palusot.
Iisa lamang din daw ang katotohanan at ito ay ang pagsuong ng mga magigiting na miyembro ng SAF sa isang mapanganib na misyon at hanggang ngayon ay wala pa rin aniyang hustisya.
Nangako rin siya na susubaybayan nila ang kasong ito kabilang na ang panawagan kay Sec. De lima kaugnay ng aniya’y pangako nito na ngayong buwan masasampahan ng kaso ang mga kumitil sa buhay ng 44 na miyembro ng SAF.
By: Allan Francisco