Determinado pa rin si Vice President Jejomar Binay na lumaban sa 2016 Presidential elections.
Ito ay matapos pumangalawa na lamang at maungusan na ni Senador Grace Poe sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Ayon kay Binay, ilang beses na siyang naging underdog sa laban kaya’t hindi na aniya ito bago sa kaniya.
Sinabi pa ni Binay na matibay ang paniniwala niyang pipiliin ng taumbayan ang may karanasan bilang local executive na subok sa krisis, handang maglingkod at may tunay na malasakit sa maralita.
Samantala, tuluy-tuloy ang paglilibot ni Vice President Jejomar Binay.
Ngayong araw na ito ay naglibot sa lalawigan ng Rizal si Binay kasama ang anak na si Senador Nancy Binay.
Kaninang umaga ay nagtungo si Binay sa mga bayan ng Angono, Binangonan at ngayong hapon sa Pililia.
Itinatanggi pa rin ni Binay na ang hakbang ay pangangampanya at sinasabing kasama lamang ito sa kanyang trabaho kung saan namimigay sila ng wheelchairs at school supplies.
By Judith Larino | Kevyn Reyes