Maaaring pang makabalik sa numero unong puwesto sa presidential surveys si Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Ronald Holmes, Pangulo ng Pulse Asia, nakasalalay ang lahat kung paano tutugunan at haharapin ni Binay ang lahat ng ibinabatong alegasyon laban sa kanya.
Kung isasaalang-alang aniya ang margin of error sa ginawa nilang survey, hindi naman malayo ang agwat ni Binay kay Senador Grace Poe na siyang may hawak ngayon sa unang puwesto.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 30 percent ng respondents ang sumuporta kay Poe samantalang 22 percent lamang kay Binay.
Posible aniyang nakatulong sa pag-angat ni Poe ang pagkuwestyon sa kanyang residency status.
Sa ngayon, hindi maaaring ituring na underdog si Poe dahil siya ang nanguna noon sa senatorial elections.
Samantala, pumangatlo sa kanilang presidential survey sa rating na 15 percent si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa napakalakas nito sa Visayas at Mindanao.
By Len Aguirre