Ibinahagi ni Vice President Jejomar Binay ang naging pakikipagpulong niya sa Nationalist People’s Coalition o NPC.
Inilarawan ni Binay bilang promising ang pagpupulong lalo’t nasa 90 porsyentong naroon ay mga matagal niya na aniyang kakilala gaya ng mga senador, kongresista at mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan.
Ilan aniya sa kanilang mga napag-usapan ang kaniyang plataporma o bentahe bilang kandidato sa pagka-Pangulo sa 2016 elections kung saan ikinuwento niya ang kaniyang mga naging karanasan, kakayahan at pagmamalasakit sa bayan.
Inamin ng Bise Presidente na bukas ang kaniyang partidong United Nationalist Alliance o UNA sa pakikipag-alyansa sa NPC dahil mahalaga aniya ang boto ng anumang partido sa sinumang kakandidato, kaya lang nang tanungin siya ng media kung nakuha ba nito ang suporta ng NPC, sinabi na lamang nito na pag-uusapan pa raw ng partido ang desisyon.
Next question please naman ang isinagot niya nang tanungin siya kung mayroon bang commitment sa kaniyang partido ang NPC.
Tiniyak din ng Pangalawang Pangulo na wala nang second round ng diskusyon sa pagitan niya at ng NPC.
Gayunman, umaasa pa rin siya na sana ay magkasama sila ng NPC sa darating na eleksyon.
Si Binay ang pangatlo sa mga kinausap ng nasabing partido matapos pulungin sina Senadora Grace Poe at DILG Secretary Mar Roxas.
By Allan Francisco