Tiniyak ni Vice President Jejomar Binay ang dalawampung porsyentong pagtaas ng pondo ng sektor ng edukasyon sakaling palarin sa 2016 elections.
Sinabi ito ni Binay kahit na batay sa 2016 proposed national budget na una nang nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino ay nakakuha ng pinakamataas na pondo ang Department of Education na umaabot sa mahigit P400 bilyon.
Binigyang-diin ni Binay na kailangan ang pagtaas ng pondo sa edukasyon upang matugunan ang pagtatayo ng mas maraming classroom; pagbili ng aklat at iba pang instructional materials; gayundin ang dagdag sweldo sa mga guro at iba pang benepisyo para sa kanila gaya ng pabahay.
Hindi rin naiwasan ni Binay na sabihin ang aniya’y mga nagawa niya sa lungsod ng makati na gagawin niya rin daw sa sektor ng edukasyon sa bansa gaya ng libreng basic education at tiyaking mapauunlad ang nutrisyon ng mga estudyante.
By: Meann Tanbio I Allan Francisco