Kinumpirma ni Chief Accountant ng Office of the Vice President na si Julieta Villadelrey, na kauna-unahang bise presidente na nagkaroon ng limandaang milyong pisong confidential fund si Vice President Sara Duterte.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinagot ni OVP chief Accountant Villadelrey ang katanungan ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na ngayon lamang nabigyan ng malaking halaga ng confidential fund ang tanggapan ng OVP mula noong 1990 o panahon ni dating vice president Salvador Laurel sa ilalim ng Aquino administration.
Ang nasabing halaga ng pera ay ibinigay ng tig-125 million pesos mula noong huling quarter ng taong 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng taong 2023 kung saan, ang naturang pondo ay sinasabing nakalagay sa good governance program ng nasabing opisina.
Tiniyak naman ni OVP budget Office Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido, na walang confidential na inilaan sa OVP noong panahon ni VP Leni Robredo.
Dahil dito, itinutulak ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng transparency o pagkakapantay-pantay sa paggamit ng confidential funds. - Sa panulat ni Laica Cuevas