Itinanggi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio ang akusasyon ng grupong laban ng masa na siya ang nasa likod ng kinakaharap na kaso ni dating vice prsidential candidate Walden Bello.
Nanindigan si VP Inday na hindi siya kailanman naghain ng kasong libel.
Ayon kay Duterte-Carpio, sa halip na kaladkarin siya sa issue at manisi o maghinala si Bello na biktima ito ng isang political persecution, dapat paalalahanan ang dating kongresista na hindi iginagalang ng sibilisado at demokritong lipunan ang kayabangan.
Hindi anya pina-protektahan ng karapatan sa malayang pagsasalita at pagpapahayag ang sinumang naninira ng puri at reputasyon ng iba.
Lunes nang arestuhin ng Quezon City Police District si Bello sa kasong cyber libel na inihain ni Jefrey Tupas, dating information chief ng Davao City.
Nag-ugat ang kaso sa paratang ni Bello na gumagamit at tulak ng droga si Tupas na magugunitang sinibak sa pwesto ni Duterte na noo’y alkalde ng naturang lungsod matapos dumalo sa isang party kung saan P1.5 million na halaga ng droga ang nasabat.