Matapang na binuweltahan ni Vice President Leni Robredo ang mga blogger na aniya’y nagpakalat ng mga fake news laban sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa kanyang tweet, tinawag ni Robredo ang mga nasabing blogger na aniya’y dumalo rin sa pagdinig ng Senado na mga maaangas, mayayabang, walang kahihiyan at walang pagsisisi.
Dagdag ni Robredo, insulto sa mga kawani ng pamahalaan ang sinabi ng isang blogger na hindi niya kailangan ang gobyerno at ito ang may kailangan sa kanya.
Giit pa ni Robredo, ang paglilingkod bayan ay isang prebiliheyo at hindi dapat idinadaan sa yabang.
Magugunitang sila RJ ‘Thinking Pinoy’ Nieto at Communications Asec. Mocha Uson ang mga kilalang blogger na humarap sa pagdinig ng Senado kamakalawa.
Samantala sa isang Facebook post, direkta namang tinukoy ni Uson si Robredo na walang bahid ng pagsisisi at walang kahihiyan dahil sa ipinadalang umanong fake news video ng bise presidente sa United Nations kaugnay ng palit-ulo scheme ng PNP.