Maituturing na paglabag sa Saligang Batas ang pagsasalita ni Vice President Leni Robredo sa United Nations (UN) sa pamamagitan ng isang video tungkol sa mga human rights violations sa Pilipinas.
Sa panayam ng Karambola sa DWIZ, sinabi ni Department of Interior Local Government (DILG) Assistant Secretary Epi Densing na pagtataksil sa tiwalang ibinigay sa kanya ng taongbayan ang ginawa ni Robredo dahil hindi naman beripikado ang mga alegasyon ng extrajudicial killings sa Pilipinas na sinasabing resulta ng giyera kontra droga ng Duterte administration.
Sa ibang bansa aniya ay itinuturing rin itong economic sabotage dahil marami nang grants ang nawala sa Pilipinas at binawi ng ibang mga bansa dahil sa di umano’y mga paglabag sa karapatang pantao.
PAKINGGAN: Pahayag ni Department of Interior Local Government (DILG) Assistant Secretary Epi Densing
Kasabay nito, inamin ni Densing na meron talagang nangyayaring palit ulo sa giyera kontra droga subalit taliwas sa pagkakaunawa rito ni Robredo.
Ang tinatawag anyang ‘palit-ulo’ ng Philippine National Police (PNP) ay pagkuha ng mga impormasyon sa mga naarestong drug suspects.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Department of Interior Local Government (DILG) Assistant Secretary Epi Densing
By Len Aguirre | Karambola (Interview)