Kumbinsido si Vice President Leni Robredo na tinitiktikan ng militar ang lahat ng kaniyang mga galaw gayundin ang mga tawag niya sa telepono.
Ito’y makaraang lumabas ang balita na nagsagawa umano ng surveillance ang militar sa Pangalawang Pangulo bagay na una nang itinanggi ng AFP o Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Robredo, kung totoo mang tinitiktikan siya, mapapatunayan aniya ng militar na hindi siya bahagi ng anumang destabilisasyon laban sa administrasyon kahit isa-isahin pa aniyang pangalanan ang mga kausap niya sa telepono.
Naniniwala ang Bise Presidente na ito marahil ang naging batayan ng Pangulo para sabihing wala siyang kinalaman sa anumang tangkang pagpapabagsak sa Administrasyong Duterte.
By: Jaymark Dagala